3 mangingisda na nakarekober sa drone pinuri nina Tol, Robin
MANILA, Philippines — Pinarangalan nina Senators Francis N. Tolentino at Robinhood “Robin” C. Padilla nitong Miyerkules ang tatlong mangingisda ng Masbate sa kanilang lakas ng loob at pagiging mapagpatyag at makabayan, matapos nila ma-recover at ibigay sa awtoridad ang isang drone na kanilang nakita noong Disyembre 30.
Sa Senate Resolution 1277, pinuri nina Tolentino at Padilla sina Jojo Cantela, 39; Rodnie Valenzuela, 31; at Jeric Arojado, 17, sa kanilang ginawa sa Barangay Inarawan sa bayan ng San Pascual sa Masbate.
Pinuri nina Tol at Padilla ang tatlo para sa kanilang “magandang halimbawa sa ating mga kababayan na maging alerto at mapagmatyag sa mga ganitong pagkakataon lalo sa mga bagay na may kinalaman sa ating pambansang seguridad.”
Anang dalawang senador, ang pagtuklas sa drone sa katubigan ng Pilipinas ay naging wake-up call sa defense sector dahil may implikasyon sa ating mga batas tulad ng Philippine Maritime Zones Act at Philippine Archipelagic Sea Lanes Act, at pati na rin ang ating territorial integrity at pambansang seguridad.
Idiniin ng dalawang senador na sana’y maging halimbawa ang tatlo sa pagiging mapagmatyag ng ating mga komunidad para maisumbong sa awtoridad ang kahina-hinalang aktibidad, upang protektahan ang ating pambansang seguridad at soberanya.
- Latest