Bilang ng gutom na Pinoy, sumipa sa higit 25%
MANILA, Philippines — Tumaas nang may 25.9 percent ang bilang ng mga Pinoy na dumanas ng pagkagutom noong December 2024 o mas mataas sa 22.9 percent noong September 2024.
Batay sa SWS survey, ito na ang pinakamataas na percentage makaraang maitala ang 30.7 percent hunger rate noong COVID-19 lockdowns noong September 2020.
Ang December 2024 hunger rate ay halos doble umano sa 2023 hunger average na 10.7 percent. Nasa 22.9 percent ang hunger average noong 2024.
Lumabas sa survey na nitong December 2024, ang Mindanao ang nagtala ng pinakamataas na hunger rate na 30.3 percent, sumunod ang Balance Luzon (25.3%), Visayas (24.4%) at Metro Manila (22.2%).
Sa mga walang makain o gutom, ang dumanas ng “moderate hunger” ay nasa 18.7% at ang dumanas ng “severe hunger” ay 7.2 percent.
Ayon sa SWS, ang moderate hunger ay yaong dumanas ng gutom nang isang beses lamang o ilang minuto lamang sa nagdaang tatlong buwan samantalang ang severe hunger ay mga taong madalas o palagiang nagugutom.
Sa buong bansa, ang moderate hunger ay tumaas sa 17.8% noong December 2024 mula sa 13.3% noong September 2024 habang ang severe hunger ay tumaas ng 7.2% mula sa 6.1 percent.
Ayon sa SWS ang madalas na gutom ay mga mahihirap.
Ang survey ay ginawa noong December 12-18, 2024 na face-to-face interview sa 2,160 adults nationwide.
- Latest