Senado kinalampag sa legalisasyon ng motorcycle taxis
MANILA, Philippines — Kinalampag ng mga motorcycle taxi riders ang Senado upang hilingin ang pagsasabatas ng panukala para sa legalisasyon ng motorcycle taxi sa bansa na limang taon ng nasa ilalim ng pilot study.
Ayon kay Motorcycle Taxi Community Philippines (MTCP) Chairman Romeo Maglunsod, sila ay nanawagan kay Senate Committee on Public Services Chairman Senator Raffy Tulfo na unahin at pabilisin ang legalisasyon ng motorcycle taxis sa Pilipinas.
Iginiit ni Maglunsod na sa tagal ng panahon bago tuluyang matapos ang subway, MRT, LRT at maging bus rapid transportation ay napakalaking tulong bilang alternatibong transportasyon ang motorcycle for hire.
Ipinaliwanag pa ni Maglunsod na kapag naisabatas ang panukala ay tuluyang makikinabang ang mga pasahero at rider maging ang kumpanya at ang pamahalaan dahil magbabayad na sila ng tamang buwis.
Bukod dito magkakaroon na ng tamang insurance ang mga rider at magkakaroon ng proteksyon ang mga tumatangkilik sa kanila bilang alternatibong transportasyon.
Batay sa datos, nasa 50,000 ang motorcycle for hire na nag-o-operate sa buong bansa batay sa pilot study program subalit nagpapatuloy din ang pagdami ng habal-habal.
Naniniwala pa si Maglunsod na kung maisasabatas ang panukala ay mababawasan ang habal-habal dahil matutulungan silang makapasok ng legal sa industriya.
- Latest