Bong Go: INC rally para sa lahat ng naghahangad ng kapayapaan
MANILA, Philippines — Sinusuportahan ni Senator Christopher “Bong” Go ang panawagan ng Iglesia Ni Cristo para sa kapayapaan at pagkakaisa sa ating bansa.
“Magkaisa tayo para makapagtrabaho tayo ng maayos para sa bansa at makapaglingkod sa ating kapwa Pilipino, lalo na sa mahihirap dahil marami sa ating mga kababayan ang nangangailangan ng tulong,” ayon kay Go sa isa niyang pahayag.
Pinasalamatan niya ang mga miyembro ng INC sa pangunguna ng Executive Minister nitong si Eduardo Manalo sa malaking pagkakataon na maipakita ang kahalagahan ng kapayapaan at pagkakaisa sa bansa.
“Isang pagpupugay sa ating mga kapatid mula sa Iglesia Ni Cristo sa pangunguna ni Kapatid na Eduardo V. Manalo para sa napakahalagang pagkakataong ito upang ipahayag ang ating pagpapahalaga sa kapayapaan at pagkakaisa ng buong sambayanan,” ani Go matapos ang mahigit 1.2 milyong lumahok sa National Peace Rally ng INC sa Quirino Grandstand, ayon sa pagtataya ng Disaster Risk Reduction and Management Office ng Lungsod ng Maynila.
“Ang hangad natin ay hindi lamang pagkakaisa sa kabila ng anumang isyu sa pulitika kundi pati na rin ang isang mapayapang buhay.”
Aniya, gaano man kalaki ang mga pagsubok na ating kinakaharap, naniniwala siyang sama-sama nating matutugunan ang lahat nang ito kung lagi nating uunahin ang kapakanan ng bayan at ang kapakanan ng ating kapwa, lalo na ang mga higit na nangangailangan.
- Latest