Pagbaba ng unemployment rate, magandang balita – Romualdez
MANILA, Philippines — Isang magandang balita at positibong pag-unlad para sa bansa ang pagbaba ng bilang ng mga walang trabaho.
Ito ang sinabi ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez kaugnay ng Labor Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nagpapakita na ang bilang ng mga Pilipino na walang trabaho ay bumaba sa 3.2 porsyento noong Nobyembre ng nakaraang taon mula sa 3.9 porsyento noong Oktobre 2024 o katumbas ng 1.66 milyong katao.
Bumaba rin ang antas ng underemployment sa 10.8% noong Nobyembre mula sa 12.6% noong Oktubre.
Sinabi ni Romualdez na ang pagbaba ng mga bilang ng mga walang trabaho at underemployment ay nangangahulugan na patuloy na lumalago ang ekonomiya ng bansa sa ilalim ng pamamahala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at patuloy ang pagdami ng mga oportunidad para makapagtrabaho at magkaroon ng pagkakakitaan ang mga mamamayan.
“The right economic policies are driving our growth and generating jobs for jobless Filipinos. We are happy for those who have found employment and who are working longer hours than before,” ani Speaker Romualdez.
“For those who remain unemployed, the government has various programs to help them. We hope that as the economy grows and create more jobs, they would eventually find employment,” sinabi pa ng pinuno ng Kamara na binubuo ng 307-kinatawan.
Kabilang sa mga programang ito ang Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) at Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), pati na rin ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) na ipinatutupad naman ng DoLE.
Tiniyak din ni Romualdez sa publiko na ang Kongreso, lalo na ang Kamara, ay patuloy na magiging katuwang ng administrasyong Marcos sa pagsisikap nitong mapanatili ang paglago ng ekonomiya at paglikha ng karagdagang trabaho para sa mga Pilipino.
- Latest