Gun ban larga na, checkpoints ikinalat
Election period simula na
MANILA, Philippines — Simula na ngayong hatinggabi Enero 12 ang pagpapatupad ng gun ban kasabay ang pagpapakalat ng mga checkpoints kaugnay ng nalalapit na May 2025 National at Local Elections na tatagal hanggang Hunyo 11, 2025.
Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, sa ilalim ng Republic Act No. 7166, ipinagbabawal ang sinumang indibiduwal na magdala o gumamit ng baril o anumang deadly weapon sa mga pampublikong lugar ng walang kaukulang permiso mula sa komisyon.
Tanging ang mga pulis at sundalo lamang ang pinapayagan na magdala ng armas subalit kailangan lamang na nakauniporme, may pangalan at nakasaad kung saan sila nakatalaga.
Ipinagbabawal din ang pagkuha sa mga pulis bilang mga escorts o security.
Samantala, nakakalat na rin ang mga checkpoints sa iba’t ibang lugar sa bansa kung saan paiiralin ang “plain view doctrine”.
“Iyan po ang pagtutuunan ng pansin ng Comelec, ng ating deputized law enforcement at security agencies, kung saan po itsi-check po natin ang mga dumaraan, may sasakyan man o wala, ngunit sisiguraduhin po natin na ginagalang po natin ang ating mga karapatan ng ating mga kababayan sa batas o iyong plain view doctrine po ay iiral”, ani Garcia.
Apela ni Garcia sa publiko na sumunod at huwag katakutan ang checkpoints dahil sa seguridad ito ng lahat.
- Latest