Barko ng China sa Zambales bantay sarado sa BRP Teresa Magbanua
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine Coast Guard nitong Sabado na nananatiling nakabantay ang BRP Teresa Magbanua (MRRV-9701) sa baybayin ng Zambales upang bantayan ang Chinese Coast Guard vessel 3304, na nagsasagawa ng ilegal na pagpapatrulya sa karagatan ng Pilipinas.
Namataan ng PCG ang barko ng China na naglalayag sa noong Enero 9 sa humigit-kumulang 70 hanggang 80 nautical miles kanluran ng Capones, Zambales, at sinabihan sa pamamagitan ng radyo na wala silang legal na awtoridad na magpatrulya sa loob ng exclusive economic zone (EEZ)ng Pilipinas, ayon kay Jay Tarriela, tagapagsalita ng PCG for West Philippine Sea.
“In accordance with Republic Act 12064, the Philippine Maritime Zones Act, the United Nations Convention on the Law of the Sea, of which you [China] are a signatory state, and 2016 arbitral award, you do not possess any legal authority to patrol within the Philippine exclusive economic zone. You are directed to depart immediately and notify as of your attention,” mensahe ng PCG sa pamamagitan ng radyo.
Ani Tarriela, ang patuloy na deployment ng BRP Teresa Magbanua ay alinsunod sa layunin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pigilan na “normalization and legitimacy” sa mga iligal na aktibidad ng China upang hindi humantong na maigiit ang kontrol nila sa West Philippine Sea.
Layunin din sa pananatili ng BRP Teresa Magbanua sa Zambales na matiyak na hindi maitataboy at ma-harass ang mga mangingisdang Pilipino.
Nitong Enero 8 at 9 ay namonitor ng PCG ang CCG 3103 at 3304 sa katubigan ng Zambales.
- Latest