Pagpapaliban sa barangay SK polls sa 2027 aaprubahan ng Senado
MANILA, Philippines — Handa na ang Senado na ipasa ang isang panukalang batas na naglalayong ipagpaliban ang halalan para sa barangay at Sangguniang Kabataan (BSK) 2025 hanggang 2027 at bigyan sila ng apat na taong termino.
Base sa kopya ng Senate Bill 2816 sa ikatlong pagbasa, layon nito na gawing apat na taon ang termino ng mga opisyal ng BSK at itakda ang termino at maaari silang maglingkod ng tatlong magkakasunod na termino.
Layunin din ng panukala na ipagpaliban ang susunod na BSK halalan mula Disyembre 2025 sa unang Lunes ng Oktubre 2027, at hindi sa ikalawang Lunes ng Mayo 2029 gaya ng unang naiulat.
Sa isang panayam sa DWIZ kahapon, sinabi ni Sen. Sherwin Gatchalian na sang-ayon siya sa pagpapalawig ng termino ng mga nahalal na opisyal ng BSK sa Oktubre 2023 elections.
Ayon pa kay Gatchalian, hindi siya pabor sa naunang bersyon ng panukala na nagtatakda ng anim na taong termino na may karapatan pang magpa-re-election, dahil ito ay magdudulot ng mas mahabang panunungkulan para sa mga opisyal ng barangay kaysa sa Pangulo.
- Latest