‘Monster ship’ ng China, naispatan sa Zambales
MANILA, Philippines — Nakabantay ngayon ang Philippine Coast Guard (PCG) sa ‘monster ship’ ng China na namataan malapit sa Luzon kamakalawa.
Kinumpirma ng PCG na una nilang namataan ang presensiya ng ‘monster ship’’ ng China Coast Guard (CCG) o ng CCG vessel 5901, may 54 nautical miles ang layo mula sa Capones Island, Zambales, gamit ang Dark Vessel Detection System ng Canada.
Kaagad naman umano nilang ipinadala sa lugar ang BRP Cabra, isang helicopter, at ang PCG Caravan, na siyang kumumpirma na dakong alas-5 ng hapon ay nasa naturang lugar nga ang monster ship, na tumitimbang ng 12,000 tonelada at limang beses na mas malaki kumpara sa dalawang pinakamalaking barko ng PCG.
Hinamon din umano ng PCG ang presensiya ng CCG at iginiit na ang barko ng mga ito ay nasa ng exclusive economiczone (EEZ) ng Pilipinas.
Pagsapit ng alas-8 ng gabi, iniulat na ang barko ay naglalayag na pakanluran at huling namataan may 85 nautical miles lamang ang layo mula sa Zambales.
Tiniyak naman ng PCG na mananatili silang committed na masusing bantayan ang naturang barko upang masigurong ligtas at maayos na makapangingisda ang ating mga kababayan sa loob ng ating EEZ.
Unang naiulat ang presensiya ng naturang Chinese vessel sa naturang lugar ng security analyst na si Ray Powell.
- Latest