‘Hinay-hinay lang wala pa kampanya’
Comelec sa mga kandidato
MANILA, Philippines — Dismayado ang Commission on Elections (Comelec) sa naglipanang mga mukha ng mga pulitiko sa mga billboard at advertisements sa telebisyon, social media at sa mga pahayagan bago pa ang campaign period.
Sinabi ni Comelec Chairman George Garcia na sa kabila ng nakakalungkot na nangyayaring ito, aminado siya na wala sa kasalukuyang election law ang sumasaklaw sa ganitong uri ng premature campaigning.
“Napakabigat sa kalagayan namin na talagang alam namin na kami ang sisisihin at babatuhan ng sisi ng ating mga mamamayan sapagkat naglipana ang mga mukha nila sa kalsada, kahit walang nakalagay na ‘vote for’ pagkatapos nasa TV, radio, dyaryo, sa social media nandyan na lahat… tahasan, diretsahan,” ani Garcia sa press briefing.
“Ang katotohanan talaga ay walang premature campaigning sa ating mga batas ngayon kapag automated election. At mismo ang Korte Suprema ang nagsabi na hindi pa sila kandidato. Kahit pa nag-file na sila ng candidacy,” aniya pa.
Ikinukonsiderang kandidato ang tumatakbong pulitiko sa unang araw ng campaign period sa Pebrero 12, sa national positions at sa Marso 28 naman sa local positions.
“Lahat ng ginagawa nila ngayon, wala pang election law na nag-gogovern sa kanila. Wala pang prohibition. Walang violation, maliban na lang kung sila ay nagba-violate ng city o municipal or provincial ordinances,” paliwanag ni Garcia.
“Ang kapangyarihan ng Comelec ay papasok lang sa Jan. 12 – in spite ng tinatawag na election period. Siyempre, hindi pa sila kandidato hanggang unang araw ng campaign period,”aniya pa.
Payo ni Garcia: ”Dahan-dahan lang, medyo hinay-hinay. ‘Wag natin i-underestimate ang katalinuhan ng ating mga kababayan. Napakatatalino ng mga Pilipino. Alam nila kapag sila ay pinaglololoko. Alam din nila kapag inaabuso ang kabaitan nila.”
- Latest