Bagong virus outbreak sa China ‘fake news’ – DOH
MANILA, Philippines — Tinawag ng Department of Health (DOH) na fake news ang kumakalat sa social media na mayroon ngayong outbreak ng isang bagong virus na sinasabing “international health concern”.
“There is no confirmation from either the cited country or WHO,” pahayag ng DOH.
Ito’y matapos kumalat online na isang virus na tinatawag na Influenza A, Human metapneumovirus (HMPV) ang umano’y nakakaapekto sa mga mamamayan at napakaraming ospital sa China.
Ilan pang post ang nagsabing nagdeklara na ang China ng state of emergency dahil sa surge ng respiratory illnesses.
Sa isang post sa Facebook mula sa pahina ng Philippine Weather System/Pacific Storm Update ay nagsabing noong Enero 2, ang China ay nakakaranas ng naturang outbreak.
Pagsapit ng 10:12 ng umaga noong Biyernes, ang post ay nakakuha ng mahigit 164,000 shares, 137,000 reactions, at 16,900 comments.
Samantala, inilarawan ng isang X post ng @COVID19_disease noong Miyerkules, Enero 1, ang sitwasyon ng epidemya sa mga ospital at crematorium sa China.
Nauna nang nagbabala ang DOH tungkol sa pagsi-share ng naturang mga post na hindi beripikado at hindi dapat ibahagi upang hindi magdulot ng misinformation at kalituhan sa publiko.
Wala ring inilabas na anumang impormasyon ang WHO-Disease Outbreak News (DONs) page hinggil sa tinutukoy na potential health threats sa China.
Samantala, pinabulaanan ng Chinese Embassy sa Maynila ang sinasabing outbreak ng isang bagong virus sa China. Tinawag itong “fake news” ng embahada kahapon.
Magugunitang sa China naitala ang unang kaso ng COVID-19 noong 2019 na naging global pandemic.
- Latest