‘Tangkilikin ang pelikulang Pilipino!’ - Sen. Go
MANILA, Philippines — Bago magsara sa Enero 7, 2025 ang Metro Manila Film Festival (MMFF) 2024 na nagdiriwang ng ika-50 edisyon nito, hinikayat ni Senator Christopher “Bong” Go ang mga Pilipino na samantalahin ang pagkakataon upang suportahan ang lokal na industriya ng pelikula.
“Ang MMFF ay isang mahalagang tradisyon na nagpapakita ng talento ng ating mga Pilipino sa paggawa ng pelikula,” ani Go na 6 taon nang miyembro ng MMFF executive committee (execom).
“Huwag natin palampasin ang pagkakataong ito na suportahan ang industriya ng pelikula habang tayo ay nag-eenjoy kasama ang ating pamilya.”
Higit sa pagtataguyod sa lokal na sinehan, binigyang-diin ni Senator Go ang kanyang mga inisyatiba sa lehislatibo upang iangat ang industriya ng media at entertainment, partikular sa mga manggagawa nito.
Kabilang sa mga ito ang pagpasa ng Eddie Garcia Law, kung saan kasama siya sa nag-akda at nag-sponsor.
Isinabatas ang Eddie Garcia Law upang bigyan ng sapat na proteksyon ang mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon na malaki ang iniaambag sa sining at kultura ng bansa.
Ito ay ipinangalan sa yumaong aktor at direktor na si Eddie Garcia, isa sa mga hinahangaang artista.
Nangako si Senator Go na patuloy niyang itataguyod ang pagpapalakas sa karapatan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagsusulong ng mas komprehensibong batas.
- Latest