Pinay sa Kuwait, natagpuang naaagnas
MANILA, Philippines — Isang Pinay sa Kuwait na dalawang buwan nang nawawala, ang natagpuang patay at naaagnas na ang katawan sa tahanan ng isang Kuwaiti national.
Ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Hans Leo Cacdac, ang OFW na kinilalang si Dafnie Nacalaban, ay may limang taon nang nagtatrabaho sa Kuwait.
Sinabi ni Cacdac na ayon sa employer ng biktima, Oktubre pa nang umalis ito sa kanila, at ito rin aniya ang huling pagkakataon na nakausap siya ng kanyang pamilya.
Noong Disyembre 31, 2024 nadiskubre ang bangkay ng Pinay sa loob ng bahay ng isang Kuwaiti citizen, matapos na mismong ang kapatid ng suspek ang magreport nito at isuko ang kanyang kapatid sa mga awtoridad.
Sinabi naman ni Cacdac na hindi pa malinaw ngayon ang mga detalye ng mga pangyayari at hindi pa rin nila batid ang relasyon ng suspek sa biktima.
Ang batid pa lamang aniya nila ay nadakip na ang pangunahing suspek sa pagkamatay ngunit hindi pa batid kung ito ay ang mismong employer ng biktima.
Tiniyak naman ni Cacdac na masusi na silang nakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan at may abogado na rin silang nakatutok sa kaso.
Nakikipag-coordinate na rin aniya sila sa Kuwaiti prosecution para malitis, mausig, at magkaroon ng hustisya ang pagkamatay ng Pinay.
Plano na sana umanong umuwi ng naturang Pinay sa bansa nitong Disyembre ngunit hindi na ito natuloy.
Hindi ito ang unang pagkakataon na may Pinay na pinatay sa Kuwait.
Una na ring pinaslang si Jullebee Ranara, na ang bangkay ay natagpuang sunog sa disyerto at si Joanna Demafelis, na ang bangkay ay natagpuang nakatago sa loob ng isang freezer.
Kamakailan, isang OFW ang inaresto ng mga awtoridad sa Kuwait matapos umaming pinatay ang anak ng kanyang Kuwaiti employers, sa pamamagitan nang paglalagay dito sa loob ng washing machine.
- Latest