Metro Manila binalot ng maruming hangin
MANILA, Philippines — Ilang lungsod sa National Capital Region (NCR) ang nakaranas ng ‘unhealthy’ hanggang sa ‘very unhealthy’ na kalidad ng hangin, matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon kahapon.
Ang datos ay batay sa naitalang air quality ng IQAir, isang Swiss air quality technology company, hanggang alas-11:04 ng umaga kahapon.
Ayon sa IQAir, ang Maynila ang nakitaan ng pinakamataas na air pollution level sa NCR na may air quality index (AQI) na 218.
Ito ay indikasyon na bawat cubic meter ng hangin sa lungsod ay nagtataglay ng nasa pagitan ng 125.5 at 225.4 micrograms ng pollutants.
Anang IQAir, ang AQI na 218 ay itinuturing na nasa “very unhealthy” range, na nangangahulugan na ang general public ay maaaring makaranas ng kapansin-pansing epekto.
Dahil dito, ang mga sensitive groups, gaya ng mga bata, matatanda, buntis, at yaong may heart o lung conditions, ay pinapayuhang manatili sa loob ng tahanan at magsuot ng face mask.
Kasunod ng Maynila ay ang Makati, Taguig at Parañaque na may AQIs na 166, 159 at 153, na pawang itinuturing na ‘unhealthy.’
Ang mga residente ng naturang lungsod ay maaaring maharap sa negatibong health effects, partikular na ang may heart at lungs condition, na maaaring lumala kung makalanghap ng maruming usok.
Ang Pasig at Marikina naman ay may AQIs na 134 at 118, na itinuturing na ‘unhealthy’ para sa sensitive groups.
Ang hindi magandang kalidad ng hangin ay may panganib na hatid sa publiko, partikular na sa vulnerable populations, na maaaring magresulta sa iritasyon ng mata, balat at lalamunan, gayundin ng respiratory issues.
Ang iba pang lungsod ng NCR, gaya ng San Juan, Caloocan at Quezon City, ay may moderate air quality, na ikinukonsiderang mapanganib sa kalusugan, dahil sa presensiya ng nasa 9 micrograms ng pollutants kada cubic meter ng hangin.
Tanging ang Mandaluyong City ang lungsod na nakapagtala ng magandang kalidad ng hangin, matapos ang pagsalubong sa Bagong Taon, na may AQI na 50.
- Latest