Pulis, 20 pa inaresto sa indiscriminate firing
MANILA, Philippines — Arestado dahil sa indiscriminate firing ang isang pulis, tauhan ng Bureau of Corrections, security guard at 18 iba pa sa pagsalubong sa Bagong Taon.
Ayon kay Philippine National Police-Public Information Office chief Brig. Gen. Jean Fajardo, lasing ang pulis na nagpaputok ng baril sa lalawigan ng Rizal habang sa Zamboanga Peninsula region ang BuCor officer at sa Calabarzon naman ang security guard. Pawang mga sibilyan naman ang 18 iba pa na dinakip.
“’Yong iba naman po ay nagkaroon ng alitan, ‘yong iba ay, again, lasing. Kaya naman sinasabi natin, patuloy natin na ipinapaalala, maaga-aga pa lamang ay kapag nakainom tayo ay dapat hindi tayo humahawak ng baril lalong-lalo na kung mapapansin nga natin, mga sibilyan itong mga nahuli natin na nagpaputok po,”ani Fajardo.
Samantala, anim na kaso ng stray bullets ang naitala sa National Capital Region habang tig 1 sa Central Luzon at Zamboanga Peninsula.
Nasa 73 katao naman ang hinuli dahil sa iligal na pagbebenta, pagtatabi at paggamit ng mga paputok.
May kabuuan namang 593,094 mga paputok ang nakumpiska at umaabot sa halagang P3.9 milyon.
Sa kabila nito, sinabi ni Fajardo na generally peaceful pa rin ang pagsalubong sa taong 2025.
- Latest