P6.326-trillion budget aprub na
MATAPOS ang ilang araw na masusing pag-aaral sa pambansang budget para sa papasok na fiscal year, nilagdaan na ito ni President Ferdinand Marcos Jr. Iniisip ko lang, kung hindi kaya nagkaroon ng isyu sa kuwestiyonableng paggamit ni Vice President Sara Duterte sa kanyang confidential fund, mangyayari kaya ito?
Ang isyu ngang ito na ayaw sagutin ni Sara sa katatapos na pagdinig ng House quad committee ang rason kaya pilit isinusulong ang impeachment laban sa Vice President. Kahit nagpahayag na ng pagtutol si Marcos, mukhang malakas pa rin ang posibilidad na ito ay matutuloy. Tatlong impeachment complaint na ang naisampa sa House of Representatives.
Natural, ibig ipakita ni Marcos na iniingatan ng administrasyon ang bawat sentimong inilalaan sa national budget o General Appropriations Act. Pinirmahan ni Marcos ang budget sa isang seremonya sa Malacañang noong Lunes sa pagdiriwang ng Rizal Day.
Ang aprubadong budget ay natapyasan ng P194 bilyon. Ang original na panukalang 2025 national budget ay P6.352 trillion. Matapos ang veto, P6.326 trillion na lang ito. Hindi raw kasi ito tugma sa mga priority programs ng gobyerno.
Kung pinalampas ni Marcos ang napansin niyang discrepancy at agad nilagdaan ang budget, malamang dahil sa isyung ibinabato kay Sara ay siya naman ang gawan ng usapin at walang puknat na babatikusin.
Pero sana, mayroon mang isyu o wala, sadyang dapat maging mapanuri ang Presidente bago mag-apruba ng budget. Magagaling at tuso ang maraming mambabatas upang makapaglaan ng pondo na magagamit nila para sa sariling ambisyon.
- Latest