3 Pinoy, patay sa saksak sa California!
MANILA, Philippines — Patay ang tatlong miyembro ng pamilya mula sa Pilipinas kabilang ang dalawang bata matapos pagsasaksakin sa Baldwin Park, California.
Inaresto ng mga awtoridad ang isang 23-anyos na lalaking suspek, na pinaniniwalaang kaanak ng mga biktima.
Kinilala ng Los Angeles County Medical Examiner ang mga biktima na sina Mia Chantelle Narvaez, 8; Paul Sebastian Manangan, 16; at Rona Nate, 44.
Ayon sa ulat, nagtamo ng malalang saksak sa itaas na bahagi ng katawan ang tatlong biktima.
Ayon sa Los Angeles County Sheriff’s Department, nakatanggap ng disturbance call ang Baldwin Park police sa Bogart Avenue noong gabi ng Disyembre 26. Napaulat na isang batang babae ang sumisigaw na lumabas ng bahay at nagpapatawag sa 911 dahil sinaksak ng kanyang kuya ang kanilang ina.
Tinangka naman ng suspek na tumakas sakay ng sasakyan ngunit nasukol din.
Bilang paggalang sa pamilya ng mga biktima, hindi isiniwalat ng mga awtoridad ang relasyon sa pagitan ng suspek at ng mga biktima, pero kinumpirma ng mga imbestigador na nakatira ang suspek sa bahay ng mga biktima.
- Latest