284 aksidente sa kalsada, naitala ngayong holiday season
MANILA, Philippines — Umaabot na umano sa 284 ang mga aksidente sa kalsada na naitala ng Department of Health (DOH) sa isinagawa nilang monitoring ngayong holiday season.
Batay sa datos na inilabas ng DOH kahapon, ang mga naturang aksidente ay naiulat simula Disyembre 22 hanggang 6:00AM ng Disyembre 27 lamang, mula sa walong pilot sites na minomonitor ng DOH.
Mas mataas ito ng 9% kumpara noong 2023 sa kaparehong petsa.
Nabatid na 53 naman sa mga naturang insidente ay kinasasangkutan ng mga drunk drivers, 249 driver na walang safety accessories, at 196 ang kinasangkutan ng mga motorsiklo.
Kaugnay nito, pinaalalahanan ng DOH ang mga motorista na huwag magmaneho kung inaantok, pagod o nakainom upang makaiwas sa aksidente.
Bago bumiyahe ay dapat tiyakin ng mga motorista at kanilang mga pasahero na sila ay nakasuot ng helmet at seatbelt.
Dapat ring obserbahan ang tamang speed limit at sundin ang mga road signs.
Nagpaalala rin ang DOH na magkaroon ng pito hanggang walong oras na tulog bago magmaneho at iwasan ang anumang distraksiyon gaya ng mobile phones habang nagmamaneho.
Sakaling mangailangan ng tulong o magkaroon ng emergency, tumawag sa 911 emergency hotline o 1555 DOH emergency hotline.
- Latest