Cortes rally sa Mandaue sablay, COC kanselado pa rin
MANILA, Philippines — Hindi umano nakakuha ng simpatiya at suporta sa mga residente ang isinagawang rally na pinangunahan kamakailan ni dating Mandaue City Mayor Jonas Cortes matapos kanselahin ng Commission on Elections (Comelec) ang kanyang certificate of candidacy.
Ayon sa lokal na kapulisan sa isang panayam, tinatayang 1,100 katao ang dumalo, karamihan ay mga empleyado ng city hall o konektado sa kanyang administrasyon.
Gayunpaman, mabilis ding tinapos ang rally matapos magdulot ng matinding trapiko na ikinagalit ng mga residente at mga dumadaan, sa halip na makuha ang simpatiya ng publiko. Kinumpirma ng Comelec na nagkaroon si Cortes ng “material misrepresentation” sa kanyang certificate of candidacy dahil sa kabiguang ideklara ang mga kasong administratibo laban sa kanya, kabilang ang kanyang suspensyon, pagkakatanggal sa pwesto, at ang permanenteng diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon.
Agad na ipinatutupad ang desisyong ito maliban na lamang kung baligtarin ito ng Court of Appeals o ng Korte Suprema.
Sa kabila nito, hinamon ni Cortes ang Comelec, partikular si Chairman George Garcia, na manatiling hindi naiimpluwensyahan ng pulitika.
Nagdaos din ng protesta ang kanyang kampo sa tanggapan ng Comelec sa Mandaue City, ngunit kalaunan ay umatras matapos maramdaman na ito ay maling hakbang na lalong nagpalala ng sitwasyon.
Pinuna ng mga tagamasid sa Mandaue City ang ginawa ni Cortes na nakaaapekto sa pang-araw-araw na buhay ng mga residente sa halip na tahimik na dumaan sa tamang proseso ng korte.
- Latest