Lahat ng iskul sa PDZ ng Kanlaon, isasara - OCD
MANILA, Philippines — Upang maprotektahan ang mga estudyante at mga guro, inatasan ng Office of Civil Defense (OCD) ang Department of Education (DepED) na isara ang lahat ng mga eskuwelahan sa idineklarang Permanent Danger Zone (PDZ) kaugnay ng banta sa posible pang pagsabog ng Kanlaon Volcano sa Negros Island.
Sinabi ni OCD Administrator at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Undersecretary Ariel Nepomuceno, nagpalabas na sila ng direktiba sa Regional Task Force (RTF) Kanlaon na abisuhan ang DepEd bilang bahagi ng contingency measures upang makaiwas sa peligro.
Ayon kay Nepomuceno, bukod sa banta ng Kanlaon ay nakatutok din ang ahensiya sa panganib ng shear line at maging sa serye ng mga paglindol sa baybaying bahagi ng Ilocos Sur.
Inatasan na rin ang RTF Kanlaon na maghanda sa posibleng pagdaloy ng lahar dulot ng mga pag-ulan sa lugar at inatasan din ang mga apektadong Local Government Units (LGUs) na ilipat ng evacuation center ang mga pamilyang bakwit sa mga lugar na daraanan ng lahar. Pinasususpinde rin ang anumang infrastructure construction sa loob ng 4km PDZ.
Sa tala kahapon ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs), pitong beses nagbuga ng abo ang Kanlaon na may tagal na tatlong minuto hanggang dalawang oras at 26 minuto, base sa monitoring ng nakalipas na 24 oras.
Nakapagtala rin ng 25 volcanic earthquakes kabilang ang 5 volcanic tremors na may 3-40 minuto ang haba at nagluwa rin ng nasa 3,585 tonelada ng asupre.
Nagkaroon ng 1,200 metrong taas na makapal at walang patid na pagsingaw at panaka-nakang pag-abo gayundin ng pamamaga ng bulkan.
Unang nang inirekomenda ng Phivolcs ang paglikas ng mga tao na nasa loob sa 6-km radius mula sa tuktok ng bulkan. Bawal din ang paglipad ng anumang aircraft malapit sa tuktok ng bulkan dulot ng inaasahang biglaang pagsabog, pagbuga ng lava, pag-ulan ng abo, Pyroclastic Density Current (PDC) at rockfall gayundin ng pagdaloy ng lahar kung may malakas na pag-ulan doon.
Ang Kanlaon ay nananatiling nasa ilalim ng alert level 3 status na nangangahulugan ng mataas na aktibidad ng bulkan.
- Latest