‘Teacher’ Stella, pinasinayaan bagong fire station sa Marikina
MANILA, Philippines — Pinangunahan ni Marikina 2nd District Rep. Stella Luz A. Quimbo ang pagbubukas ng isang bagong fire station at pagbigay ng fire truck sa Nangka, Marikina. Ang proyekto, na nagkakahalaga ng P15 milyon, ay naglalayong mapabuti ang kaligtasan at kahandaan ng mga residente laban sa mga sakuna, partikular na ang mga sunog.
Isinagawa nitong Disyembre 14 ang pormal na turnover ng bagong Nangka Fire Station 6, kasama ang isang fire truck, na nagkakahalaga ng P14,982,000. Ang bagong fire station ay papalit sa dating mas maliit na pasilidad na tanging container van lamang ang gamit sa pagresponde sa mga sunog. Ito ang dahilan kaya nagpatayo si Rep. Quimbo ng isang bago, maluwag, at world-class na fire station kasama ang bagong fire truck na agarang reresponde sa komunidad.
Dumalo rin sa pagpapasinaya si Congressman Miro Quimbo, Marikina City Fire Marshal FSupt. Nestor C. Gorio, at iba pang mga key officials mula sa Bureau of Fire Protection (BFP) at lokal na pamahalaan.
Ayon kay Rep. Quimbo, ang proyekto ay tugon sa mga kamakailang sunog na naganap sa lungsod at kakulangan sa mainam na pagresponde sa sakuna.
“Sa pamamagitan ng inisyatibong ito, natutugunan natin ang pangangailangan ng mas maayos at mas modernong fire station na magsisilbing unang depensa laban sa mga kalamidad,” ani Quimbo.
- Latest