NPC suportado ‘wag nang gawing testigo media sa drug cases
MANILA, Philippines — Buo ang suporta ng National Press Club (NPC) ang panawagan ni ACT-CIS Partylist at House Deputy Majority leader Rep. Erwin Tulfo na humihikayat sa Senado na maghain ng panukala na tanggalin na ang media sa mga testigo sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga, bilang bahagi ng inventory team.
Sinabi ni NPC President Leonel Abasola na napapanahon nang maamiyendahan ang naturang batas dahil na rin sa panganib na hatid nito sa mga kagawad ng media.
“Napapanahon na po na maamiyendahan ito dahil na rin sa nalalagay sa panganib ang buhay ng media,” ayon kay Abasola.
Sinabi pa ng NPC president na tinalakay na ng NPC at iba pang stakeholders ang naturang isyu sa isang consultative meeting sa Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS).
“Nagpapasalamat po ako sa NPC dahil suportado nila ang aking panawagan na huwag nang isama o gawing testigo ang mga mamamahayag sa operasyon ng droga dahil nanganganib po ang buhay ng mga dati kong kasama sa hanapbuhay,” ayon kay Cong. Erwin.
Matatandaang bagama’t aprubado na ng Kamara ang pag-amiyenda sa Section 21 ng Republic Act 9165, wala pa namang naihahaing ganitong panukala ang Senado.
- Latest