3-5 minuto responde ng 911 — PNP
MANILA, Philippines — Tiniyak ng Philippine National Police (PNP) na 3-5 minuto lang ang pagresponde sa mga itinatawag na emergency cases sa pamamagitan ng 911 dahil sa kanilang upgraded response system.
Ayon kay PNP Communications and Electronics Services director Police Brigadier General Warren Gaspar Tolito, gumagamit ang PNP ng mas pinahusay na sistema ng Next Generation 911 technology na pareho sa mga sistemang ginagamit ng Amerika at Europa.
Aniya, matutukoy ng emergency responders ang eksaktong lokasyon ng caller at agad na magdedeploy ng first responders.
Pinayuhan naman ni Tolito ang publiko na maging kalmado kung tumatawag sa 911 at ibigay ang mahahalagang detalye hinggil sa emergency situation gaya ng pangalan at lokasyon.
Kapag nagsusumbong naman ng kasalukuyang nagaganap na krimen, mag-obserba at mangalap ng maraming detalye hangga’t maaari gaya ng bilang ng mga sangkot na suspek, ang kanilang suot na damit, kasarian, hair cut o haba ng buhok. Kapag sangkot naman ang sasakyan, malaking tulong aniya kung maibibigay ang kulay o numero ng plaka kung ito ay visible o nakikita.
Ang naturang inisyatibo ay parte ng Revitalized Emergency 911 Project ng Department of the Interior and Local Government (DILG) para palakasin pa ang abilidad ng pambansang pulisya na epektibong matugunan ang mga emergency sa urban at rural areas.
- Latest