Walang banta sa seguridad ngayong kapaskuhan — PNP
MANILA, Philippines — Walang namomonitor ang Philippine National Police (PNP) ng anumang seryosong banta sa seguridad sa pagdiriwang ng kapaskuhan.
Sa kabila nito, sinabi ni PNP Spokesperson P/Brig. Gen. Jean Fajardo na nanatiling nasa heightened alert status ang PNP sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon na tatagal hanggang sa Traslascion ng Itim na Nazareno sa Enero 9, 2025.
“Hindi tayo nagkukumpiyansa. Palagi tayong nagmo-monitor at nakikipag-coordinate sa ibang security forces at mine-maintain natin ‘yung ating active security stance para ‘di tayo malusutan ng anumang banta sa ating seguridad”, saad ni Fajardo.
Ayon kay Fajardo, simula pa noong Disyembre 15 ay nasa heightened alert na ang PNP bilang paghahanda sa mahabang panahon ng kapaskuhan at tuloy ito hanggang sa piyesta ng Itim na Nazareno.
Nasa 40,000 namang mga pulis ang idineploy sa buong bansa upang magbantay sa mga bus terminals, daungan at paliparan sa inaasahang exodus ng mga tao ngayong kapaskuhan habang nagtalaga rin ang PNP ng mga Police Assistance Desk malapit sa mga simbahan at komersiyal na establisyemento. Nagtalaga rin ang PNP ng K9 units sa mga pampublikong terminal upang tumulong sa pag-iinspeksiyon ng bagahe ng mga pasahero.
Samantala, nakatakda ring magselyo ang PNP ng dulo ng mga baril ng mga pulis upang tiyakin na walang mangyayaring indiscriminate firing sa pagsalubong sa Bagong Taon ng 2025.
Pinaalalahanan naman ni Fajardo ang publiko na iwasan ang magpaputok ng firecrackers sa mga residential area upang maiwasan ang panganib tulad ng sunog.
Aniya, may mga itinalagang ‘firecrackers zone” sa mga komunidad na tampok ang magagandang pailaw na pwedeng panoorin ng mga tao.
Muli ring pinaalalahanan ng PNP ang publiko na iwasan ang paggamit ng mga ipinagbabawal na malalakas at delikadong paputok tulad ng boga, superlolo, Binladen, super bawang at iba pa para maiwasan ang disgrasya.
- Latest