Mary Jane balik Pinas na!
MANILA, Philippines — Ididiretso agad ang Pinay death row convict na si Mary Jane Veloso sa Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City na nakatakdang dumating ngayon sa bansa mula sa Indonesia.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Catapang Jr., mananatili si Veloso sa Reception and Diagnostic Center (RDC) para sa pagsasailalim sa kaniya sa mandatory 5-day quarantine at 55 araw na orientation at diagnostic evaluation.
Maaari lamang payagang dumalaw ang pamilya nito pagkatapos ng quarantine period, bagamat umaapela ang abugado ni Veloso na agarang pahintulutan na makapiling na ang pamilya sa pagdating nito.
Hangad umano ng pamilya ni Mary Jane na masalubong ito sa airport sa kanyang pagbabalik bansa ngayon.
Una nang sinabi ni Remulla na sa Correctional na lang nila hintayin si Mary Jane.
Pero ayon sa legal counsel nitong si Atty. Edre Olalia, patuloy nilang kakatukin ang puso ng Department of Justice (DOJ) para pahintulutan silang masalubong sa airport si Mary Jane para mayakap ito kahit saglit lang.
Aniya, kung naging mabuti ang mga Indonesian kay Mary Jane ay marapat lang umanong maging maawain din ang Pilipinas.
Umaasa rin si Atty. Olalia na huwag nang paabutin ng Pasko ang pagkakaloob ng absolute pardon kay Veloso.
Aniya, wala silang nakikitang legal, moral at political na balakid para hindi gawaran ng lubusang absolute pardon si Veloso.
Nabatid naman sa Department of Justice (DOJ) na hindi pinayagang ikober ng media ang pagdating ni Veloso sa NAIA Terminal 3 at sa halip ay makipag-ugnayan kay Chief Insp. Marlon Mangubat ng BuCor Public Information Office.
- Latest