LPA sa Mindanao, naging bagyong Querubin
MANILA, Philippines — Ganap nang isang tropical depression Querubin ang isang Low Pressure Area (LPA) na namataan sa Mindanao.
Ayon sa PAGASA, ganap na alas-3 ng hapon kahapon si Querubin ay namataan sa layong 215 kilometro silangan timog silangan ng Davao City.
Taglay nito ang lakas ng hangin na umaabot sa 45 kilometro bawat oras malapit at pagbugso na 55 km bawat oras. Kumikilos si Querubin sa timog timog kanlurang bahagi ng bansa.
Dulot ni Querubin, maulan sa Davao Oriental, Eastern Visayas, Caraga at nalalabing bahagi ng Davao Region.
Maulan din sa Bicol Region at Quezon province dahil sa epekto ng shearline samantalang maulan sa Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Aurora at Metro Manila gayundin sa nalalabing bahagi ng Luzon dahil sa epekto ng amihan.
Maulan naman sa nalalabing bahagi ng Visayas at sa Mindanao dulot nang trough ng tropical depression.
Si Querubin ay ika-17 bagyo na pumasok sa bansa.
Unang tinaya ng PAGASA na ngayong 2024 ay makakaranas ang bansa ng 20 bagyo.
- Latest