Mary Jane Veloso balik Pinas sa Disyembre 18
MANILA, Philippines — Tumulak na kagabi patungong Indonesia ang mga kinatawan ng Department of Foreign Affairs (DFA), Bureau of Corrections (BuCor) at National Bureau of Investigation (NBI) para iproseso ang transfer arrangement upang iuwi sa Pilipinas ang death row convict na si Mary Jane Veloso.
Ito’y matapos ihayag ni Indonesia Immigration at Corrections Deputy Coordinator Nyoman Gede Surya Mataram sa isang pulong na uuwi na si Veloso sa Miyerkules, Disyembre 18, 2024.
Matatandaang si Veloso ay inaresto dahil sa pagbibitbit ng 2.6 kilo ng heroin na natuklasan sa kaniyang bagahe, dahilan ng pagpataw sa kaniya ng sentensyang kamatayan noong 2010.
Mula sa Yogyakarta ay inilipat na si Veloso sa isang pasilidad sa Jakarta pabalik sa Pilipinas.
Ang pamahalaan ng Pilipinas ang sasagot sa mga gastos sa repatriation ni Veloso, batay sa naunang pahayag ni DFA Undersecretary Eduardo De Vega.
Hindi na rin itinuloy ang pagpapunta ng pamilya ni Veloso sa Indonesia, at sa halip ay sasalubungin na lang paglapag sa bansa.
- Latest