Half-cup rice sa resto suportado ni Sen. Go
MANILA, Philippines — Suportado ni Senator Christopher “Bong” Go ang panukala ng Department of Agriculture (DA) na half-rice servings sa mga restoran para labanan ang pag-aaksaya ng pagkain sa Pilipinas.
Binigyang-diin ang food security bilang isa sa kanyang legislative priorities, nanawagan si Go sa mga Filipino na gamitin ang practical at sustainable practices para mabawasan ang basura.
“Napakalaking tulong kung mababawasan ang nasasayang na bigas. Sa dami ng Pilipinong gutom araw-araw, hindi natin afford mag-aksaya ng pagkain. Kumuha lang tayo ng sapat na kakainin,” iginiit ni Go.
Ayon sa Philippine Rice Research Institute (PhilRice), tinatayang 255,000 metric tons (MT) ng bigas—katumbas ng humigit-kumulang 5 milyong sako—ang nasasayang taun-taon. Ang halagang ito ay maaaring magpakain ng humigit-kumulang 2.79 milyong Pilipino sa isang buong taon. Kinikilala ang nakababahalang data na ito, aktibong sinusuportahan ng DA ang mga lokal na ordinansa at itinutulak ang pagpapatupad ng half-cup rice servings.
Ang implikasyon sa ekonomiya ng inisyatibang ito ay makabuluhan. Kung ang mga nasasayang na bigas na nagkakahalaga ng P43 kada kilo ay maisi-save, ito ay katumbas ng humigit-kumulang P3.6 billion savings taun-taon.
Kabilang si Go sa nag-akda ng Republic Act No. 11901 upang mapabuti ang access sa pagpapautang sa mga magsasaka, mangingisda, at agri-based workers sa mga kanayunan.
Co-sponsor din si Go ng RA 11953, o ang New Agrarian Emancipation Act, na naglilibre sa pautang ng mga benepisyaryo ng agrarian reform.
Inihain din niya ang Senate Bill No. 2117 upang magbigay ng komprehensibong crop insurance sa mga magsasaka at SBN 2118 upang palakasin ang sistema ng seguro laban sa mga epekto ng mga natural na kalamidad.
Naniniwala si Go na kapag inuna ang kapakanan ng mga magsasaka at mangingisda, matitiyak ang seguridad sa pagkain ng bawat Pilipino.
- Latest