Mary Grace Piattos imbento lang - solon
MANILA, Philippines — Lumilitaw na imbento lang ng Office of the Vice President (OVP) ang pangalang “Mary Grace Piattos” matapos walang lumabas na kahit anong record nito sa Philippine Statistics Authority (PSA).
“Kaya pala walang nag-claim ng P1 million reward kasi peke talaga,“ saad ni Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun matapos una nang mag-alok ng pabuya ang House Blue Ribbon sa sinumang makapagtuturo at lilitaw na Mary Grace Piattos.
“Nakakabahala na umabot tayo sa ganitong level ng kasinungalingan. Sa mga opisyal ng gobyerno na dapat nagbibigay ng tamang impormasyon, imbento lang pala ang Mary Grace Piattos,” ani Khonghun.
Sa beripikasyon ng PSA sa pinaghahanap na Mary Grace Piattos ay wala ito sa kanilang rekord sa Civil Registry System (CRS), database ng Certificate of Live Birth (COLB), Certificate of Marriage (COM) at Certificate of Death (COD).
“Hindi lang ito simple na isyu ng pangalan; pinagmumulan ito ng mas malalim na problema sa transparency at accountability. Kung kaya nilang mag-imbento, ano pa kaya ang mga nakatagong transaksyon?” anang mambabatas.
“Sa bawat pisong ginagastos ng gobyerno, karapatan ng mamamayan na malaman kung saan ito napupunta. Pero paano kung ang kwento pa lang ay imbento na?” anang mambabatas.
- Latest