Kung sa bomb joke may nakukulong, VP Sara panagutin din sa death threats
MANILA, Philippines — Kung sa bomb joke ay may nakukulong, dapat din umanong makasuhan at panagutin sa posibleng ‘criminal liability’ si Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Bukidnon Rep. Jonathan Keith Flores, isang abogado, dapat imbestigahan at kasuhan kung kinakailangan si VP Sara dahil sa pagsasapubliko nito sa kaniyang pakikipag-usap sa isang hitman para patayin si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ipinunto ni Flores, kung may nakukulong dahil sa bomb joke, higit na may naghihintay na kaparusahan sa pagbabanta sa buhay ng pinakamataas na opisyal ng bansa.
Dapat aniya aralin ng Department of Justice (DOJ) ang maaaring isampang kaso laban kay Duterte na direktang binantaan ang Pangulo. Tinukoy pa nito ang isang senior citizen na pinababa ng eroplano dahil sa bomb joke noong August 2024.
“Ang pananagutan ay hindi lang para sa mga ordinaryong Pilipino. Kung ang isang senior citizen na nagbiro ng bomba ay agad na dinampot, dapat ay hindi exempted ang kahit sino, kahit pa ang bise presidente,” saad pa ng solon.
- Latest