MANILA, Philippines — Tumanggi si Vice President Sara Duterte na magbigay ng komento kaugnay kay “Mary Grace Piattos.”
Sa isang pulong balitaan kahapon, sinabi ng bise presidente na hindi pa niya nakikita ang mga dokumento kung saan makikita ang pangalan ni Piattos, bilang isa sa mga tumanggap ng confidential funds mula sa kanyang tanggapan.
Paliwanag ni Duterte, ang mga kinukwestiyong liquidation documents ay hindi dumaan sa kanyang tanggapan at sa halip ay direktang isinusumite sa Special Disbursement Officer ng OVP na si Gina Acosta, at sa Inspection and Control of Fund Audit Unit ng Commission on Audit (COA).
Taliwas ito sa mga pahayag ng testigo sa panel ng House good government.
Wala rin umanong alam ang bise presidente kung paano iprinoseso ang dokumento at isinumite sa Kamara.
Una nang tinukoy ng House panel ang mahigit sa 1,200 kahina-hinalang acknowledgment receipts na isinumite ng OVP sa COA upang bigyan ng justification ang ginawang paggastos sa P125-M confidential fund noong 2022.
Karamihan umano sa mga ito ay hindi mabasa ang mga pangalan habang ang iba ay pareho ang sulat-kamay. Ilang ulit din umanong lumitaw ang pangalan ni Piattos sa ilang kuwestiyonableng dokumento.
Nag-alok naman na ang mga mambabatas ng P1 milyong pabuya sa kung sinuman ang makapagtuturo sa tunay na pagkakakilanlan ni Piattos.