Pangulong Marcos: Iwasan magarbong Christmas party

Workers from the City Buildings and Architecture Office (CBAO) continue the construction of a giant Christmas tree at Upper Session Road in Baguio City on November 19, 2024.
Andy Zapata Jr./The Philippine STAR

MANILA, Philippines — Hinikayat ng Malakanyang ang mga ahensya ng gobyerno na magtipid at iwasang maging magarbo ang pagdiriwang ng Pasko ngayong taon.

Sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin ito ay bilang pagsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na alalahanin ang mga biktima ng anim na magkasunod na bagyo.

Dagdag pa ni Bersamin, na bilang pakikiisa na rin ito sa milyun-milyong Filipino na patuloy na nagdadalamhati dahil sa mga buhay, tahanan, at kabuhayang nawala bunsod ng mga nagdaang bagyo.

Hindi na rin aniya kailangan pa magpalabas ng opisyal na direktiba sapagka’t naniniwala sila sa kabutihang-loob ng mga kapwa nila kawani ng gobyerno.

Tiwala rin aniya siya na kusang magpapatupad ng pagtitipid ang lahat ng ahensiya ng gobyerno sa kanilang mga pagdiriwang.

Nais din ng Palasyo na ang anumang matitipid mula sa mas payak na pagdiriwang ay i-donate para sa mga naapektuhan ng kalamidad.

Paliwanag pa ni Bersamin na ang tunay na diwa ng Pasko ay nananawagan na ipagdiwang ito nang may malasakit, ibahagi ang mga biyaya, at maghatid ng kasiyahan.

Habang sa pamahalaan, sinabi ni Bersamin na titiyakin nilang maipada­dama ang diwa ng Pasko sa mga apektadong lugar sa pamamagitan ng maagang pamamahagi ng relief goods, tulong, muling pagsasaayos ng imprastruktura, at pagbangon ng kabuhayan.

Show comments