DOJ nilarga na pag-imbestiga kay Duterte

Department of Justice on Sept. 11, 2024.
Philstar.com / Irra Lising

MANILA, Philippines — Kinumpirma kahapon ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na iniimbestigahan na si dating Pang. Rodrigo Duterte ng isang task force na binuo ng Department of Justice (DOJ), kaugnay ng umano’y extrajudicial killings (EJKs), na isinagawa sa war on drugs noong panahon ng kanyang panunungkulan.

“Yes, our task force is already working. I just spoke with the head earlier,” ayon kay Remulla:

Kabilang sa aalamin ng task force ay ang posibilidad na nagkaroon ng paglabag sa International Humanitarian Law at sasakupin aniya nito ang lahat ng aspeto.

Nais din ni Remulla na ang mga kaso ay hiwalay sa isa’t isa at hindi mag-overlap sa International Criminal Court (ICC).

Anila, maraming paglabag at batas ang pinag-uusapan dito, kabilang na ang Revised Penal code, mga special laws at maging ang Republic Act 9851 o yaong Philippine Act on Crimes Against International Humanita­rian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity.

“We’re dealing with multiple violations and laws here,” ani Remulla. “But charges should be separate. What we file here and what the ICC charges should not overlap.”

Nabatid na nag-ugat ang imbestigasyon ng DOJ take force matapos ang ginawang pagdalo ng dating pangulo sa Quad Committee hearing ng House of Representatives noong Nobyembre 13, kung saan inamin niya na nagbigay siya ng pondo at insentibo sa mga pulis, na nagsasagawa ng anti-illegal drug operations.

Inamin din ni Duterte na kabilang ang pagtatanim ng ebidensiya sa ginamit nilang istratehiya upang makaaresto ng drug suspects, noong siya pa ang alkalde ng Davao City.

Binuo ang task force sa ilalim ng Department Order 778 at pinamumunuan ng isang Senior Assistant State Prosecutor at co-chairman na isang Regional Prosecutor.  Mayroon itong siyam na miyembro mula sa National Prosecution Service (NPS).

Kasama rin ang National Bureau of Investigation (NBI) sa magsasagawa ng imbestigasyon laban sa dating pangulo.

Show comments