Duterte pinasasampahan na ng crimes against humanity, murder sa EJK ng drug war
MANILA, Philippines — Hinikayat ni Batangas 2nd District Rep. Gerville Luistro ang House Quad Committee na irekomenda na ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano’y paglabag sa international humanitarian law at kasong murder sa pagkamatay ng libu-libong mga Pilipino sa madugong drug war ng administrasyon nito.
Batay sa data mula sa Philippine Drug Enforcement Agency at human rights group, binanggit ni Luistro na may 6,252 napatay sa police anti-drug operations hanggang Mayo 2022, at 27,000 hanggang 30,000 ang mga biktima ng extrajudicial killings (EJK).
Binanggit din ni Luistro ang pagkamatay ng 427 aktibista, human rights defenders, at mga grassroots organizer hanggang noong Disyembre 2021; 166 land at environmental defenders hanggang noong Disyembre 2020; 23 journalist at media workers hanggang Abril 2022; 66 miyembro ng hudikatura at abogado hanggang noong Disyembre 2021; at 28 alkalde at bise-alkalde hanggang noong Disyembre 2021.
Ikinumpara ni Luistro ang malaking bilang ng mga nasawi sa ilalim ni Duterte sa halos 200 naitalang pagkamatay na may kaugnayan sa droga sa ilalim ng sinundang administrasyon ni dating Pangulong Benigno Aquino III.
Sinabi ni Luistro na si Duterte ay lumabag sa Republic Act 9851, Act Defining and Penalizing Crimes Against International Humanitarian Law.
Ang RA 9851 na ipinatupad noong 2009, ay nagtatakda at nagpaparusa sa crimes against international humanitarian law, genocide, at crimes against humanity, kabilang na ang mga sistematikong pamamaslang.
Samantalang ang mga drug-related na EJK ay nakapaloob sa “other crimes against humanity” ayon sa itinakda ng Seksyon 6 ng batas, na tumutukoy sa mga sinadyang pagpatay, torture, at sapilitang pagkawala.
- Latest