LRT-1 Cavite extension bibiyahe na ngayon
MANILA, Philippines — Maaari nang magamit ng publiko ang limang bagong istasyon ng Light Rail Transit 1-Cavite extension simula ngayong araw, Nobyembre 16.
Ito’y matapos pangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang inagurasyon ng LRT-1 Cavite Extension (L1CE) Phase 1 Project sa Parañaque City.
Ang limang istasyon na maaari nang magamit simula alas-5 ng umaga ang Redemptorist-Aseana Station, MIA Road Station, PITX Station, Ninoy Aquino Avenue Station, at Dr. Santos Station.
Dahil dito kaya hinikayat ni Pangulong Marcos ang publiko na subukang sumakay para makita at maranasan ang maginhawang pagbiyahe ng walang trapik.
“Kaya hinihikayat ko lahat ng ating mga commuter, subukan ninyo at makikita ninyo napakaginhawa kumpara sa traffic na nararanasan natin araw-araw,” ayon kay Marcos.
Kasabay nito, aminado naman ang Pangulo na walang alok na libreng sakay sa unang operasyon ng LRT-1 extension dahil hindi ito operated ng gobyerno at kailangan pang bayaran ang utang dito.
Bago sumakay ng tren, nagtungo muna ang Pangulo sa ticket booth at kumuha ng ticket saka tumuloy sa entrance.
Ayon kay Transportation Secretary Jaime Bautista, sa tulong ng Cavite Extension, mababawasan ang oras ng biyahe mula Parañaque City hanggang Quezon City ng halos isang oras. Kaya umano nitong mag-accommodate ng 80,000 karagdagang pasahero sa daily ridership ng LRT-1 na 323,000.
Nabatid na sa ilalim ng LRT-1 Cavite Extension project, target ng DOTr na makapagbukas ng kabuuang walong bagong istasyon.
“Once fully operational, the entire stretch of the LRT-1 Cavite Extension Project will reduce travel time from Baclaran in Parañaque to Bacoor, Cavite to 25 minutes,” anito pa.
- Latest