Bagong mapa ng Pinas na kasama West Philippine Sea, ilalabas
MANILA, Philippines — Maaaring mailabas na ang bagong mapa kung saan nakalagay na dito ang Exclusive Economic Zone (EEZ) at mga archipelagic waters ng Pilipinas kabilang na ang West Philippine Sea (WPS).
Ito ay habang hinihintay pa ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng bagong batas na Philippine Maritime Zones Act na pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kahapon.
Sinabi ni National Mapping and Resource Information Authority (Namria) Undersecretary Peter Tiangco na inihahanda na nila ang mga mapa at inaasahan na maia-update ito sa mga bagong patakaran.
Nilinaw naman ni Tiangco na malaki ang pagkakaiba ng bagong mapa sa gawa ng China dahil ito ay mayroong legal na basehan at suportado ng umiiral na batas.
Tiniyak din niya na ang gagawing mga mapa ay hindi lalabag sa batas.
Sakaling ilabas na ang IRR, ay magbibigay ito ng go signal sa NAMRIA para ilabas na ang mga bagong mapa na aniya ay parang dash line ng China subalit ito ay legal.
Nilinaw naman ni Tiangco na ang NAMRIA ay sa teknikal at taga- drawing lang kung ano ang napag-usapan ng iba’t ibang grupo kung saan sila kabilang.
Nabatid na 2012 pa napag-usapan na magpapalit ng mapa kaya naging maingat sila sa paggawa kung saan nagkaroon muna ng pagsusuri mula sa iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.
- Latest