National Land Use Act, ipasa na!
MANILA, Philippines — Ipasa na agad ang National Land Use Act (NLUA), “now na!”.
Ito ang kahilingan ni Las Piñas Councilor Mark Anthony Santos sa Senado kung saan ay nakabinbin pa rin ang panukalang batas sa committee on natural resources ng halos magdadalawang taon na.
Tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang NLUA bilang isa sa mga prayoridad ng legislative agenda ng kanyang administrasyon sa kanyang unang State of the Nation Address noong 2022.
Sinabi ni Marcos Jr. na ang pagpapatupad ng NLUA ay isasama ang lahat ng mga mandato at patakaran sa paggamit at proteksyon ng mga lupain, kabilang ang mga parameter na gagabay sa pagpaplano sa parehong pambansa at lokal na antas.
Ang House Bill No. 8162 o ang panukalang NLUA ay inaprubahan noong Mayo 22, 2023 at ipinasa pagkaraan ng dalawang araw sa Senado.
Ang National Land Use Policy of the Philippines ay isa sa anim na bill na prayoridad ni dating Presidente Duterte sa kanyang State of the Nation Address noong July 24, 2017. Pero hanggang ang termino ni Duterte ay hindi na ipasabatas ng dalawang kapulungan, ayon kay Santos.
Noong February 1, 2013, sinabi ni dating Presidente Benigno Aquino III na napakahalaga na maipatupad na ang NLUA na ito. Pero wala pa ring nangyari.
Paliwanag ni Santos, importante ang batas na ito dahil ang hindi pagbibigay ng pokus sa mga yamang lupa ng Pilipinas ay magiging daan upang mas malagay sa alanganin ang bansa bunsod ng mga kalamidad at masamang panahon.
Ayon sa 2016 World Risk Index Report, ang Pilipinas ay pangatlo sa 171 na bansa na pinaka-mahina pagdating sa paglaban sa mga natural na panganib.
- Latest