Mga abogadong bumaligtad ang testigo may parusa
MANILA, Philippines — Pinag-aaralan na ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House Quad Committee na magpasa ng panukalang batas na magpapataw ng kaparusahan sa mga abogadong mag-aasiste sa testigo na matapos magbigay ng sinumpaang testimonya ay biglang babawiin ito.
Sinabi ni Barbers na madalas na nangyayari ang biglaang pagbaligtad ng testigo at tila nagiging kultura na ito.
Ipinaliwanag ni Barbers na ang sinumang indibidwal kapag gumagawa ng sinumpaang salaysay ay inaalalayan ng abogado.
“Siya ay susumpa sa lawyer na lahat ng kanyang isinulat at sinabi ay mga pawang katotohanan lamang,” ayon kay Barbers.
Ayon kay Barbers, may papel ang mga abogado dahil kapag nage-execute ng affidavit ay inaalalayan ng mga ito ang kanilang mga kliyente.
Sinabi ni Barbers na kapag nagbigay ng sinumpaang salaysay ang isang tao ay tinatanong ito ng mga abogado dahil susuriin nila ang testimonya nito na isusumite sa korte o anumang imbestigasyon.
Dagdag pa ni Barbers na may pangangailangan na amyendahan ang batas hinggil sa perjury.
- Latest