Abalos: Dagdag allowance, proteksyon sa mga guro sa 2025 eleksyon
MANILA, Philippines — Nanawagan si dating kalihim Benjamin “Benhur” Abalos Jr. na taasan ang honoraria at palakasin ang proteksyon para sa mga guro at poll workers sa darating na halalan sa 2025.
Aniya, ang mga poll workers, partikular ang mga guro, ay kadalasang nahaharap sa mga panganib, lalo na sa mga lugar na tinatawag na election hotspots, tulad ng ipinakita sa pelikulang “Balota” na pinagbibidahan ni Marian Rivera Dantes.
“Alam ko po ang mahalagang gampanin ng ating mga guro upang maseguro ang malinis, maayos at tapat na halalan. Subalit nang mapanood ko ang pelikulang ‘Balota,’ mas naunawaan ko ang sakripisyo ng mga guro,” sabi ni Abalos.
Ipinakita sa pelikula ang pakikipagsapalaran ni Teacher Emmy, habang dala ang huling ballot box at hinahabol ng mga armadong grupo ng mga tiwaling pulitiko.
Ayon kay Abalos, hindi nalalayo ang ganitong mga kwento sa tunay na buhay ng mga guro tuwing eleksyon, lalo na sa mga delikadong lugar.
Kaya naman, ayon kay Abalos, nararapat lang na bigyan ng karampatang proteksyon at disenteng honoraria ang mga guro na magsisilbi sa darating na halalan.
- Latest