Mall hours adjustment ipatutupad sa November 18 - December 25 – MMDA
MANILA, Philippines — Nagkasundo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at mall operators sa National Capital Region (NCR) na ipatupad ang adjusted mall hours simula sa Nobyembre 18 hanggang Disyembre 25, 2024.
Sinabi ni MMDA Chairman Don Artes na iurong sa alas 11:00 ng umaga ang pagbubukas ng mall sa halip na normal operating hours, habang depende na rin sa pamunuan ng mga mall kung hanggang anong oras sila magsasara.
Ani Artes, mas mabuting ma-extend ang oras ng pagsasara upang mabigyan ng pagkakataon ang publiko na makapag-stay pa sa mga mall, makapag-grocery o last minute shopping habang nagpapalipas ng oras na lumuwag ang kalsada.
Suportado rin ng mall operators ang pakiusap ng MMDA na huwag magsagawa ng mallwide sale sa loob ng Nov. 18-Dis. 25, na inaasahang ilang araw pagkatapos ng All Saints Day at All Souls Day na lamang idaos, na nakagawian na sa mga nakalipas na taon. Hindi naman saklaw nito ang store sale o paisa-isang pagsasagawa ng sale sa loob ng malls.
Layunin sa isinagawang consultative meeting nitong Miyerkules (Okt. 16) sa MMDA Head Office, sa Pasig City, na maibsan ang inaasahang mas matinding pagsisikip ng trapiko sa panahon ng Kapaskuhan.
May moratorium o pagsuspinde sa lahat ng road right-of-way excavation activities sa Metro Manila simula hatinggabi ng Nobyembre 18 hanggang hatinggabi ng Disyembre 25 na kinabibilangan ng road reblocking works, pipe-laying, road upgrading at iba pang excavation works. Exempted sa moratorium ang flagship projects ng gobyerno, DPWH bridge repair and construction, flood interceptor catchment projects, emergency leak repair, at iba pa.
Mayroong 131 malls sa National Capital Region at 29 dito ay matatagpuan sa kahabaan ng EDSA.
Ang mga delivery sa mall ay papayagan lamang sa gabi mula alas-11:00 hanggang alas-5:00 ng umaga, maliban sa perishable na pagkain at yelo.
Dagdag pa, sinabi ni Artes na hihilingin ng MMDA sa Department of Transportation na pahabain ang oras ng operasyon ng public transport system, lalo na ang EDSA Bus Carousel, LRT at MRT, para ma-accommodate ang mga late-night commuters at mall employees.
Kabilang sa mga dumalo sa pagpupulong ang mga kinatawan mula sa SM Malls, Robinson’s, Ayala Malls, Meralco, PLDT, Globe, DITO, Manila Water, at Maynilad.
- Latest