Bato wala raw alam sa ‘drug war reward system’
MANILA, Philippines — Tinawag na sinungaling ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa ang Drug lord na si Kerwin Espinosa at hindi mapapagkatiwalaang testigo.
Ginawa ni Dela Rosa ang pahayag matapos ibunyag ni Espinosa sa Quadcom hearing ng Kamara na binantaan siya at pinilit na idawit sa illegal na droga si dating senador Leila de Lima at ang negosyanteng si Peter Lim.
“Ang masasabi ko lang kay Kerwin Espinosa, sinungaling siya. Kung makapag-istorya siya ng gano’n, makapagsalita siya, akala mo kung sino siyang malinis. Bakit siya maggawa-gawa ng istorya? Samantalang noon ang bait-bait niya nu’ng nasa kustodiya namin,”giit pa ng Senador.
Tanong pa ni Dela Rosa na nagsilbing hepe ng Philippine National Police (PNP) noong administrasyon ni dating pangulong Rodrigo Duterte, bakit niya pipilitin na idawit si De Lima gayung ang PNP ang siyang nagsasagawa ng build up at filing ng kasong illegal na droga at ng Department of Justice (DOJ).
Paliwanag pa ng Senador na wala siyang nalalaman sa umanoy drug business ni Lim at ni retired police general Vicente Loot na kapwa niya graduate mula sa Philippine Military Academy o PMA.
Kaya para kay Dela Rosa hindi dapat paniwalaan bilang credible witness si Espinosa na isang dating drug lord kahit na nadismis na ang kaso nito.
Samantala, sinagot din ng Senador ang pagdawit sa kanya ni dating PCSO general manager Royina Garma tungkol sa reward system sa PNP sa mga makakapatay na sangkot sa illegal na droga.
Ayon kay Dela Rosa, hindi niya alam kung ano ang tinutukoy ni Garma na reward system, dahil wala siyang pondo para dito noong siya pa ang PNP chief. Tanging ang DILG lang aniya ang nag-aapruba ng listahan para sa reward para sa mga most wanted persons.
- Latest