Duterte tatakbong mayor ng Davao City, Baste vice mayor
MANILA, Philippines — Balak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na muling tumakbong mayor ng Davao City sa 2025 elections.
Inihayag ni Duterte nitong Sabado na posibleng tumakbo siya ka-tandem ang anak na si Davao City Mayor Sebastian “Baste” Duterte bilang vice mayor.
Isinantabi ni Duterte ang pagtakbo bilang senador dahil siya ay matanda na at maaaring hindi kayanin ang pangangampanya sa buong bansa.
Una nang sinabi ng kanyang anak na si Vice President Sara Duterte na tatakbo sa Senado ang kanyang ama, kasama ang mga kapatid na sina Baste at Davao City Rep. Paolo Duterte.
Itinanggi naman niya ito at sinabing nagbibiro lamang ang anak na babae.
“Anong gagawin namin sa Senate…Anong gagawin namin doon?” aniya.
Iginiit din niya na wala na siyang kapital o pondo sa politika pagkatapos ng kanyang termino noong 2022.
“Hindi na ako babalik ng politika. Tapos na po ako. Laos na ako. Wala na akong panggastos, wala na lahat. Ang naiwan sa akin siguro yabang,” matatandaang sinabi ni Duterte.
Bago nahalal na pangulo ng bansa noong 2016, ilang beses na ring hinawakan ni Duterte ang pagka-alkalde ng Davao City.
- Latest