Marcos nakamonitor sa sitwasyon sa bulkang Taal
MANILA, Philippines — Siniguro ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may nakalatag nang standard operating procedure (SOP) ang pamahalaan sa pagtugon sa nag-aalburutong Bulkang Taal at iba pang uri ng kalamidad.
Sa ambush interview sa Pasig City, sinabi ng Pangulo na alam na ng mga ahensiya ng gobyerno ang gagawin sa tuwing may mga insidente ng sakuna o iba pang uri ng kalamidad, pagputok man ng bulkan, malakas na bagyo o lindol.
Dagdag pa ni Pangulong Marcos, na sa panig ng ehekutibo ay patuloy silang nakabantay sa sitwasyon para makita kung saang lugar ang kailangang bigyan ng espesyal na atensyon o saan pwedeng mag-adjust ng pagtugon.
Pinakakalma naman aniya ng Phivolcs ang publiko dahil hindi pa naman malala ang sitwasyon.
Subalit tiniyak ng Pangulo na ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng paraan para masigurong ligtas ang mga residente.
Kung kakailanganin aniya ay ililikas ang mga tao sa ligtas na lugar tulad ng ginagawa noon ng gobyerno.
- Latest