Walang Pinoy na nasaktan sa missile attack ng Iran sa Israel - DMW
MANILA, Philippines — Tiniyak kahapon ng Department of Migrant Workers (DMW) na walang Pinoy na nasaktan sa missile attack na inilunsad ng Iran laban sa Israel.
Sinabi ni DMW Undersecretary Bernard Olalia na wala naman silang problema sa Israel dahil may tinatawag sila doong mga bomb shelters.
Paniniguro pa niya, maging sa Lebanon ay wala ni isa mang Pilipinong nasaktan sa mga kaguluhan.
Nauna rito, napaulat na nagpaulan ang Iran ng aabot sa 200 missiles sa Israel, kabilang na ang hypersonic weapons, bilang tugon sa pagpatay ng Israel sa Hezbollah leader na si Hassan Nasrallah noong nakaraang linggo, gayundin sa pagkamatay ni Hamas leader Ismail Haniyeh sa pambobomba sa Tehran, na isinisi sa Israel.
Tiniyak naman ni Olalia na sa ngayon ay inaasikaso na ng pamahalaan ng Pilipinas ang pagpapauwi sa may 300 Pinoy na naiipit sa kaguluhan sa Lebanon.
Sinabi ni Olalia na tinatayang P25 milyon ang halaga ng chartered flight na gagastusin ng gobyerno.
Mayroon aniyang 111 Pinoy ang nasa apat na shelters sa Beirut at handang umuwi na sa Pilipinas, bukod pa ito sa
100 Pinoy na tinutulungan ng pamahalaan na mabigyan ng exit permits mula sa Immigration officials ng Lebanon.
- Latest