Romualdez: Pagtengga ng mga bigas sa pantalan, parang hoarding na rin
MANILA, Philippines — Nanawagan si House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa mga importer ng 523 containers ng imported rice na nakatengga sa yarda ng Manila International Container Port (MICP) ng Bureau of Customs (BoC) na agad ipakalat ang mga ito sa merkado para makatulong sa pagbaba ng presyo ng bigas.
“Parang hoarding din ito pero ginagamit ang facilities ng gobyerno, dahil mas mura dito,” ani Romualdez nitong Miyerkules.
Pinangunahan ni Romualdez ang on-site inspection sa MICP nitong Miyerkules ng hapon matapos ang ulat na mahigit 800 containers o aabot sa 23 million kilos ng imported na bigas ang nakatengga ng matagal sa nasabing port. Kasama ni Speaker di House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo at ACT-CIS partylist Rep. Edvic Yap at mga opisyal ng BOC sa pamumuno ni Commissioner Bienvenido Rubio.
Sa record ng BoC nasa 523 containers ng imported rice ang kasalukuyang nakatengga sa MICP na nagkakahalaga ng P750, 000 kada container.
Nagsagawa ng pagbisita si Romualdez sa MICP dahil na rin sa patuloy na reklamo ng rice shortage sa kaniyang mga market visit nitong mga nagdaang araw.
Sinabi pa ni Romualdez na tila sinasamantala ng ilang mga importer ang 30-day reglementary period sa BoC bago nila ilabas ang kanilang mga bigas sa merkado.
Ang naturang inspeksyon sa BoC ay bahagi pa rin ng tuluy-tuloy na kampanya ng House of Representatives para masawata ang rice hoarding at smuggling sa bansa, para masiguro ang murang bigas sa merkado na siyang pangunahing layunin ng administrasyon ni Pangulong Marcos upang masiguro ang maayos na food supply sa bansa.
“We are here to send a clear message: rice hoarding, smuggling, and other illegal activities that threaten the accessibility and affordability of our staple grain will not be tolerated,” sabi ni Romualdez.
- Latest