Romualdez sa DA: Kumpiskahin mga bigas na nakatago sa Pier!
MANILA, Philippines — Pinakukumpiska ni House Speaker Martin Romualdez sa Department of Agriculture ang mahigit sa 20 milyong kilo ng bigas na nakatengga lang sa Pier.
Ayon kay Speaker Romualdez, “ sabi ng DA, bayad na ang mga duties and taxes ng mga bigas na ito pero bakit ‘di pa inilalabas ng mga may-ari?”
Babala ni Romualdez, “pag hindi nila ilabas ‘yan at dalhin sa merkado, pwede na sigurong kumpiskahin ng gobyerno dahil sa hoarding.”
Matatandaang ibinulgar ni DA Sec. Francisco Laurel noong nakaraang linggo na milyun-milyong kilo ng bigas ang nasa Pier at nakatengga lang doon.
Ani Laurel, ‘pag nadala sa mga palengke ang mga bigas tiyak na bababa na ang presyo ng bigas sa mga palengke.
“Kung inaantay ng mga importer natin na tumaas muna ang presyo ng bigas bago nila ilabas ‘yan, aba’y mabuti pang kumpiskahin na ng pamahalaan at ibenta sa mga mahihirap,” ayon pa sa lider ng House.
Aniya, “wag na nilang antayin na pasyalan na naman natin ang Pier at pagbubuksan sa Bureau of Customs ang mga bigas na ‘yan.”
- Latest