PNP ikinakasa na seguridad sa filing ng candidacy sa Oktubre
MANILA, Philippines — Naghahanda na ang Philippine National Police (PNP) s a paglalatag ng mga seguridad sa paghahain ng kandidatura ngayong Oktubre ng mga tatakbo sa halalan sa susunod na taon.
Ayon kay PNP chief Gen. Rommel Francisco D. Marbil, inatasan na niya ang lahat ng mga police units na tutukan ang seguridad sa filing ng candidacy na unang linggo ng Oktubre katuwang ang iba pang ahensiya ng pamahalaan.
Ani Marbil, ngayon pa lamang ay kanila nang paiigtingin ang intelligence, investigation, operations, at community relations upang maging maayos at tagumpay ang paghahain ng kandidatura ng mga kandidato at maging sa halalan.
Pinaalahanan din ni Marbil ang kanyang mga tauhan na iwasang magpagamit sa mga pulitiko at manatili sa pagpapatupad ng kanilang tungkulin at peace and order habang isinasagawa ang eleksiyon.
Ani Marbil, hindi siya mag-aatubiling parusahan ang sinumang mahuhuling nagpapagamit o nagpapaimpluwensiya sa mga pulitiko na mahigpit na ipinagbabawal ng batas.
Dagdag ni Marbil, responsibilidad ng PNP na protektahan ang halalan at hindi makialam. Aniya, dapat na ipakita ng mga pulis ang kanilang dedikasyon sa trabaho at panatilihin ang tiwala ng publiko sa PNP.
Bukod dito, hinikayat din ni Marbil ang publiko na agad na ireport sa kanila kung may nakikitang iregularidad sa mga pulis habang isinasagawa ang eleksiyon.
- Latest