Kapatid ni Michael Yang nadakma sa NAIA
MANILA, Philippines — Nadakma ng mga tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa Terminal 3 ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang kapatid ng dating presidential economic adviser na si Michael Yang.
Sa report ng PAOCC, nadakip nila si Yang Jian Xin, kilala rin bilang Tony Yang sa tulong ng Bureau of Immigration (BI) at Intelligence Service ng Armed Forces of the Philippines (ISAFP) dahil sa pagiging undesirable alien.
Naharang si Jian Xin sa isang Cebu Pacific flight mula Cagayan de Oro.
Nahaharap sa deportation case si Jian Xin dahil sa umano’y ‘misrepresentation’ ng kanyang sarili bilang isang Pilipino at ‘falsification of information’ tungkol sa Securities and Exchange Commission (SEC) certificate ng kanyang kumpanya na Phil Sanjia Corporation.
Nagsampa rin ng reklamo ang mga empleyado ng nasabing kumpanya dahil sa hindi paghuhulog ng kanilang Social Security System (SSS), PAG-IBIG, at PhilHealth contributions.
Sa ngayon ay nasa kustodiya ng PAOCC si Jian Xin habang isinasagawa ang imbestigasyon sa kanyang mga kinakaharap na kaso.
Sinabi ni BI officer-in-charge Commissioner Joel Anthony Viado na kapag napatunayang nagkasala, mahaharap si Yang sa deportasyon at blacklisting.
Matatandaang inuugnay din ang naturang indibidwal sa iligal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa bansa.
- Latest