Miyembro ng ‘Angels of Death’ hawak ng CIDG
MANILA, Philippines — Hawak na ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Region 11 ang sinasabing miyembro ng ‘Angels of Death’ ni Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Apollo Quiboloy.
Ayon kay PNP PIO Chief PCol. Jean Fajardo, bagama’t kanila pang bineberipika ang mga isiniwalat nitong impormasyon, tila nagtutugma naman ito sa naging pahayag ng mga biktima umano ng pangmomolestiya ni Quiboloy.
Ang Angels of Death ay matatandaang ginamit ni Quiboloy bilang panakot sa kanya umanong mga menor-de-edad na biktima kung saan ay hahabulin sila nito kapag nagkwento ng mga karanasan na kanilang sinapit sa kamay ni Quiboloy.
Sa pagbubunyag nito, dati siyang miyembro ng KOJC na tumiwalag kung saan sila umano ang nagpapataw ng corporal punishment sa mga miyembrong hindi sumusunod kay Quiboloy lalo na sa pastorals.
Matatandaang ang pastorals ay bahagi ng inner circle ng isang piling grupo ng mga kabataang babae kung saan ang pinakabatang edad ay 12-anyos na umano’y nakaranas ng sexual abuse kay Quiboloy.
Paliwanag ni Fajardo, lahat ng mga ibinunyag ng naturang kasapi umano ng Angels of Death ay kanilang isusumite sa korte bilang ebidensya.
- Latest