Bilang ng mga nag-enroll sa Kabikolan, bumaba
LEGAZPI CITY, Albay, Philippines — Nagsasagawa na ng assessment ang mga tauhan ng Policy Planning and Research Division ng Department of Education (DepEd) regional office sa Bicol upang alamin ang dahilan ng pagbaba ng bilang ng mga estudyanteng nag-enroll ngayong school calendar year 2024-2025 sa buong rehiyon.
Base sa datos na inilabas kahapon, sa ginagawang “Lis-quick count enrollment” ng DepEd-Region 5, umabot pa lamang sa 1,643,108 ang nakapag-enroll sa lahat ng pang-gobyerno at pribadong paaralan sa Kabikolan.
Lumalabas na nasa 1,460,060 ang pumasok sa mga pampublikong paaralan; 136,867 sa pribado; 2,328 sa state universities at colleges; at 43,853 sa alternative learning schools o ALS.
Sa kabila na halos isang buwan at kalahati na simula nang pasukan noong Hulyo 29, mababa pa rin ang bilang ng nagpalista upang mag-aral sa nasabing rehiyon.
Ang nasa 1.643 milyong estudyante nagpa-enroll ngayong school year ay mas mababa pa sa pumasok noong nakalipas na school year 2023-2024 na 1,733,251 o mas mababa ng 90,143 estudyante.
Sa kabila ito na target sana nila ngayong panibagong school year ay tumaas ang enrollment ng 25,377 o 1.46 percent para umabot sa bilang na 1,758,628 na estudyante.
Inamin ni Mayflor Marie Jumamil, tagapagsalita ng DepEd-R5 na sa halip na madagdagan ang bilang ng kanilang mag-aaral ngayong taon ay bumaba pa ito kumpara noong 2023.
- Latest